isang liham para sa aking kaibigang si Jefrizel

Magandang araw Pre,

Ang bilis ng panahon, parang kailan lang nag-kikita kita pa tayong magkakaibigan ng madalas. Nagkukwentuhan, nagpapalipas ng oras, nag-iinuman, nag-gagala. Ngayon madalang na, naging abala kasi tayo sa buhay kolehiyo at buhay propesyonal, pero Ok lang, talaga namang ganon. Tanggap yun ng kahit sino man sa atin. Ika nga, parte ng tuloy tuloy na buhay.


Medyo may katagalan na rin pala simula nung huling iskarsyon natin. Isang pangako ng magkakaibigan na kada taon ay lalabas o kaya ay mag-iikot sa ibang probinsya para maka-pag-kwentuhan at mag-kumustahan. Taong 2009 yata yung huling tupad natin sa usapang ito, sa kabundukan ng Zambales, inis na inis nga kayo sa akin nun kasi pinahirapan ko pa kayo, pero alam ko naman na nasiyahan kayo at nabusog ang inyong mga mata sa ganda ng tanawin, sana masundan ito, kung hindi man ngayon, sana sa mga susunod na araw, buwan, o taon. Masaya kasi ito, miski alam natin na sa isa o dalawang araw na pagkikitang ito ay kulang na kulang para sa daang kwento na inihanda ng isa’t-isa, ang mahalaga nagkita kita at nagbalik ang mga ala-ala ng kahapong pagkakaibigan.

2011 na pala, ang bilis talaga ng panahon, nasa yugto na pala tayo ng mga buhay natin na tamang tamang simulan ang pamilyadong buhay. Isang panibagong hamon at makulay na parte ng buhay tungkol sa kahalagan ng pag-ibig at biyaya ng Diyos. Isa kang pinagpala. Masaya ako para sa iyo pre, kay ryan, at sa iyong nasa sinapupunan. Hanga ako sa inyong lakas ng loob sa pagpasok sa buhay na ito. Hangad ko ang malusog na pangangatawan at inyong pag asenso.

Pre mayroon nga pala akong hinandang munting mensahe para ~

~ sa iyo:

  1. Magkakaroon ka ng malaking responsibilidad at sana’y magawa mo ito ng matagumpay.
  2. Ipinagdarasal namin ang iyong kalusugan at ng iyong munting anghel.
  3. Ang nalalapit mong pagpapamilya ay hinihiling namin maging masaya at makabuluhan.
  4. Ang biyayang iyan ay galing sa Diyos ama sa langit at ikaw ay mapalad na mahandugan ng isang munting anghel. Ipagpasalamat mo ito sa Kanya.
  5. Maligayang bati sa nalalapit mong pagiging ina, inaasam ko ang iyong pagiging magiting at mapagmahal na ina.

~ sa iyong munting anghel:

  1. Nasasabik kaming makita ka at ipadama sa iyo ang aming pagmamahal.
  2. Hinihiling namin ang iyong malusog na pangangatawan at masayahing presensya.
  3. Alam naming pahihirapan mo ang iyong ina sa pagtulog ng maaga, pag-aaruga at pagpapalit ng lampin tuwing madaling-araw, ngunit hatid nito ang ligayang maibibigay mo sa iyong butihing ina.
  4. Ikaw ay biyayang bigay ng Diyos, at nagpapasalamat kaming lahat sa iyong nalalapit na pagpapakilala. Hinihintay namin ito at siguradong-sigurado na ito ay aming paghahandaan at ating pagsasalu-saluhan.


Pre, kaunti man ang oras ng ating pag-uusap at araw ng pagkikita upang ibahagi ang mga nagyayari sa buhay ng isa’t-isa, hindi pa rin nagbabago ang dating nasimulang pagkakaibigan. Nais ko sanang ipaalala ulit na kahit anong oras ay maari mo akong lapitan upang makinig sa iyong mga sentimyento sa buhay, at handang tumulong sa abot ng aking kakayahan. Andito ako lagi kasama sina Led, Wela, Pola at iba pa na handang sumama sa agos ng iyong buhay.

Hanggang dito na lang at maraming salamat!

Mahal kita, mahal ko kayo…
Renevic

Comments

Post a Comment

Thoughts are highly appreciated. Enjoy leaving your footprints :)